6 Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
7 Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos?
8 Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi na,
9 at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham.
10 Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas.
12 Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”