12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”
13 “Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago.
15 Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
16 Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin.
18 Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat.