29 Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.
30 Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
31 “Sinabi rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’
32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
33 “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’
34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos;
35 o kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari.