15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.
16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit.
17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”
18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.”
19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad.
20 Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit.
21 Sinasabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.”