8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig.
9 Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin.
10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa niyang ako'y makapunta riyan sa inyo.
11 Nananabik akong makita kayo upang maibahagi sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo.
12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga bansang Hentil.
14 May pananagutan ako sa lahat: sa mga sibilisado at sa mga barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang.