1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos?
2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala?
3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan?
4 Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.
5 Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay.
6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.
7 Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan.
8 Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya.
9 Alam nating si Cristo nang muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.
10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay dahil sa Diyos.
11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na kayo maalipin ng masasamang hilig nito.
13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan.
14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y hindi na namumuhay sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil hindi na tayo saklaw ng kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi!
16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa katuwiran?
17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo.
18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran.
19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ilaan ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.
20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran.
21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon.
22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan.
23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.