1 Tayong malalakas sa pananampalataya, tulungan natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating iisipin.
2 Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya.
3 Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.”
4 Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa.
5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus,
6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos.
8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno,
9 at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,ang karangalan mo'y aking aawitin,ang iyong pangalan, aking sasambahin.”
10 Sinabi rin,“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At muling sinabi,“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Idinagdag pa ni Isaias,“May isisilang sa angkan ni Jesse,upang ito'y maghari sa mga Hentil;siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at may sapat na kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa.
15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin
16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus bilang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal na ng Espiritu Santo.
17 Kaya't sa mga gawaing patungkol sa Diyos, ang aking ipinagmamalaki ay si Cristo Jesus.
18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ko, sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa,
19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo.
20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na wala pang alam tungkol kay Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba.
21 Subalit tulad ng nasusulat,“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”
22 Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo.
23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan,
24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon.
25 Ngunit sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon.
26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem.
27 Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal.
28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya.
29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin.
31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila.
32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos, masaya akong makakarating diyan at makakapagpahinga sa inyong piling.
33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.