1 Kung gayon, paanong nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli?
2 Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga mensahe ng Diyos.
3 Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos?
4 Hinding-hindi! Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,“Upang kilalanin kang matuwid sa iyong mga salita,at manaig ka kung hahatulan ka na.”
5 Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.)
6 Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?
7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan?
8 Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga noon?” Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.
9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad na nga ng aming sinabi, ang lahat ng tao ay makasalanan, maging Judio o Hentil man.
10 Ayon sa nasusulat,“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan;pananalita nila'y pawang panlilinlang.Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Puno ng pagmumura at masasamang salita ang kanilang bibig.”
15 “Sila'y tumatakbo upang pumatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi sila marunong matakot sa Diyos.”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos.
20 Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala.
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano pinapawalang-sala ng Diyos ang tao. Hindi ito sa pamamagitan ng Kautusan; ang Kautusan at ang mga Propeta mismo ang nagpapatotoo tungkol dito.
22 Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil.
23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.
24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila.
25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao.
26 Ngunit ngayon ay tuwirang ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at siya ang nagpapawalang-sala sa mga sumasampalataya kay Jesus.
27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo.
28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya mapapawalang-sala ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan.
29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil,
30 sapagkat iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya tatanggapin ang mga Judio at mga Hentil dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.
31 Pinapawalang saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.