1 Tanggapin ninyo ang mahihina sa pananampalataya, at huwag hatulan ang kanilang pananampalataya.
2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay ang kinakain ng mahina sa pananampalataya.
3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos.
4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.
5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa na tama ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito.
6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos.
7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa kanyang sarili lamang.
8 Kung tayo'y nabubuhay, sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy.
10 Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos.
11 Sapagkat nasusulat,“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,ang lahat ay luluhod sa harap ko,at ang bawat dila'y magpupuri sa Diyos.’”
12 Kaya, pananagutan natin sa Diyos ang mga bagay na ating ginagawa.
13 Huwag na nating hatulan ang isa't isa. Huwag na rin tayong maging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid.
14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Kung sinuman ang naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya.
15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain.
16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong tama ay huwag masamain ng iba.
17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa katuwiran, kapayapaan, at kagalakan na kaloob ng Espiritu Santo.
18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao.
19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpatibay ng pananampalataya ng isa't isa.
20 Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain.
21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid.
22 Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Mapalad ang taong di sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama.
23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Kasalanan ang paglabag sa sariling paniniwala.