1 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.
2 Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinakda ng Diyos; at sila'y paparusahan.
3 Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila.
4 Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama.
5 Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.
6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin.
7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.
8 Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan.
9 Ang mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang siyang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon.
12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.
13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan.
14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.