11 Sinabi nga ng kasulatan, “Walang sinumang sumasampalataya sa kanya ang mapapahiya.”
12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya,
13 dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”
14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?
15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga may dalang Magandang Balita!”
16 Ngunit hindi lahat ay tumanggap sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?”
17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.