5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.”
6 Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” na para bang nais pababain si Cristo.
7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” na para bang nais pabangunin si Cristo mula sa mga libingan.
8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang kautusan, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya.
9 Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.
10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay pinapawalang-sala ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayon ay naliligtas.
11 Sinabi nga ng kasulatan, “Walang sinumang sumasampalataya sa kanya ang mapapahiya.”