1 Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito?
2 Kung pinawalang-sala siya ng Diyos dahil sa mga mabubuting nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos.
3 Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid.”
4 Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran.