12 At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumampalataya ring tulad ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.
13 Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos.
14 Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos.
15 Ang Kautusan ay may kalakip na poot ng Diyos para sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag.
16 Kaya nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat,
17 gaya ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha.
18 Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi.”