9 Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.
10 Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos.
11 Tinuli siya bilang tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos, dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y pinawalang-sala rin kahit hindi sila tinuli.
12 At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumampalataya ring tulad ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.
13 Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos.
14 Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos.
15 Ang Kautusan ay may kalakip na poot ng Diyos para sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag.