13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan.
14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y hindi na namumuhay sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil hindi na tayo saklaw ng kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi!
16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa katuwiran?
17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo.
18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran.
19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ilaan ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.