19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa.
20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin.
22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos.
23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan.
24 Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin?
25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!Ito nga ang kalagayan ko: sa aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking katawang makalaman, pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.