7 Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung ano ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba.”
8 Ngunit dahil sa kautusan, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan.
9 Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan
10 at ako'y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan.
11 Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako'y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan.
12 Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti.
13 Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.