14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi!
15 Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.”
16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao.
17 Sapagkat ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.”
18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at nagiging manhid ang nais niyang maging manhid.
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”
20 Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?”