2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso,
3 dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila.
4 Sila'y mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang kanyang mga pangako.
5 Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! Amen.
6 Hindi nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya.
7 At hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Ang magmumula lamang kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.”
8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos.