1 Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo.
2 Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala.
3 Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
4 Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito.
5 Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak.
6 Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak.