1 Tatlumpung taon si Saul nang siya'y maging hari ng Israel. Siya'y naghari sa loob ng dalawang taon.
2 Pumili si Saul ng tatlong libong tauhan; ang dalawang libo ay isinama niya sa Micmas at sa kaburulan ng Bethel. Ang sanlibo naman ay pinasama niya kay Jonatan sa Gibea, sakop ng Benjamin. Ang iba'y pinauwi niya sa kani-kanilang tolda.
3 Nasakop na ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Gibea at ito'y napabalita sa buong lupain ng mga Filisteo. Ipinabalita naman ni Saul sa buong Israel ang nangyari at tinawagan ang buong bayan na makidigma.
4 Nang marinig ng mga Israelita na nasakop na ni Saul ang isang kampo ng mga Filisteo at malaman nilang napopoot sa kanila ang mga ito, nagkaisa silang sumama kay Saul sa Gilgal upang makipaglaban.
5 Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na nakakabayo, at parang buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. Sila'y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Beth-aven.
6 Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kakaharapin at natakot sila, kaya't nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, libingan, malalaking bato, at mga punongkahoy.
7 Ang iba nama'y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Gilead.Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya.
8 Pitong araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi pa rin ito dumarating. Ang mga kasama niya'y isa-isa nang umaalis,
9 kaya't nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at siya na ang naghandog ng mga ito.
10 Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati.
11 Tinanong siya ni Samuel, “Bakit mo ginawa iyan?”Sumagot siya, “Ang mga kasama ko'y isa-isa nang nag-aalisan, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama'y hindi dumating sa oras na ating usapan.
12 Ako'y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.”
13 Sinabi sa kanya ni Samuel, “Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon.
14 Ngunit dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng isang taong mula sa kanyang puso na maghahari sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo.”
15 Pagkasabi nito'y umalis si Samuel at nagpunta sa Gibea, sa lupain ng Benjamin. Tinipon ni Saul ang natira niyang mga tauhan at umabot sa 600.
16 Sina Saul at Jonatan, pati ang kanilang mga tauhan ay nagkampo naman sa Gibea ng Benjamin samantalang nasa Micmas pa rin ang mga Filisteo.
17 Ang mga ito'y nagtatlong pangkat sa pagsalakay sa mga Israelita: ang una'y gumawi sa Ofra, sa lupain ng Sual;
18 ang ikalawa'y sa Beth-horon, at ang pangatlo'y sa kaburulan, sa may hanggahan ng kapatagan ng Zeboim at ng kagubatan.
19 Noon ay wala ni isa mang panday sa buong Israel sapagkat ayaw ng mga Filisteo na makagawa ng mga tabak o sibat ang mga Israelita.
20 Kaya ang mga Israelita'y sa mga Filisteo pa nagpapahasa ng kanilang araro, asarol, palakol at karit.
21 Mahal ang bayad nila sa pagpapahasa ng palakol o karit, at mas mahal pa para sa araro o asarol.
22 Kaya, sina Saul at Jonatan lamang ang may tabak; isa man sa mga kasamahan nila'y walang dalang patalim.
23 Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas.