1 Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.”
2 Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat.
3 Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya.
4 Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito.
5 Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.”
6 Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda.
7 At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.
8 Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto.
9 Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit.
10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo.
11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo.
12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.