1 Samuel 11 RTPV05

Tinalo ni Saul ang mga Ammonita

1 Ang Jabes-gilead ay kinubkob ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpadala ng sugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, “Kung magkakasundo tayo, pasasakop kami sa inyo.”

2 Sumagot si Nahas, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, mapapahiya ang buong Israel.”

3 Sinabi ng mga pinuno ng Jabes, “Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.”

4 Umabot sa Gibea ang mga sugo. Nang marinig ang balita, nag-iyakan nang malakas ang buong bayan.

5 Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, kasama ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, “Ano bang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes.

6 Pagkarinig nito, nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos at nagsiklab ang kanyang galit.

7 Kumuha siya ng dalawang baka at pinagpira-piraso ang mga iyon. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: “Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikidigma.”Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay nagkaisang sumama sa labanan.

8 Tinipon ni Saul sa Bezek ang mga tao; umabot sa 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 naman ang galing sa Juda.

9 Sinabi nila sa mga sugo, “Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-gilead: ‘Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.’” Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila.

10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.”

11 Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na, pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita at pinagpapatay nila ang mga ito bago tumanghali. Ang mga natirang buháy ay nagkanya-kanya ng pagtakas.

12 Pagkatapos nito, itinanong ng mga tao kay Samuel, “Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Dalhin ninyo sila rito at papatayin namin!”

13 Ngunit sinabi ni Saul, “Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito'y iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.”

14 At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.”

15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31