1 Si David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya sa paring si Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, “Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?”
2 Sumagot si David, “Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay ako doon sa kanila.
3 Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong nariyan.”
4 Sinabi ng pari, “Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.”
5 Sumagot si David, “Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kapag may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?”
6 At ibinigay ng pari kay David ang tinapay na panghandog sa harapan ni Yahweh upang ang mga ito'y palitan ng bago sa araw na iyon.
7 Nagkataong naroon si Doeg na Edomita, ang pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh.
8 Tinanong pa ni David si Ahimelec, “Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat madalian ang utos ng hari.”
9 Sumagot ang pari, “Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung gusto mo.”“Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,” sabi ni David.
10 Nang araw na iyon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat.
11 Ngunit nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, “Di ba't iyan si David na hari sa kanyang bayan? Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang,‘Pumatay si Saul ng libu-libo,si David nama'y sampu-sampung libo.’”
12 Pinag-isipang mabuti ni David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis.
13 Kaya't nagkunwari siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway.
14 Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, “Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw?
15 Masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!”