1 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari.
2 Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo.
3 Kung mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”
4 “Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.
5 Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”
6 Sinabi ni Samuel, “Siya nga ang saksi, si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio.
7 Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8 Nang si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio. Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito.
9 Ngunit si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita.
10 Pagkatapos ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’
11 At ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon, Barak, Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay.
12 Ngunit nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari.
13 “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh.
14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay.
15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo.
16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh.
17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”
18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel.
19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”
20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran.
21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos.
22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan.
23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin.
24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.
25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”