18 At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon.
19 Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.”
20 Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan.
21 Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita.
22 Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo.
23 Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel.
24 Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway.