1 Samuel 14:39-45 RTPV05

39 Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita.

40 Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.”Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.”

41 Pagkatapos, tumingala si Saul at sinabi, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit hindi kayo sumagot ngayon sa inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.” Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao.

42 Sinabi ni Saul, “Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan.

43 Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, “Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?”Sumagot siya, “Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.”

44 Sinabi ni Saul, “Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.”

45 Sumagot ang mga tao, “Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, isa mang buhok niya'y hindi malalaglag sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.” Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita.