11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh.
12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal.
13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”
14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.”“Ano iyon?” tanong ni Saul.
17 Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari.