21 Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.”
22 Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa.
23 Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.”
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan.
25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”
26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”
27 Tumalikod si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito.