28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo.
29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”
30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.”
31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin dito si Agag, ang hari ng Amalek.” Mabigat ang mga paang humarap sa kanya si Agag at nanginginig na sinabi nito, “Siguro nama'y hindi ninyo ako papatayin.”
33 Sumagot si Samuel, “Kung paanong nawalan ng anak ang maraming ina dahil sa iyong tabak, ang iyong ina naman ang mawawalan ngayon ng anak.” At si Agag ay pinagputul-putol ni Samuel sa harap ng altar ni Yahweh sa Gilgal.
34 Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea.