9 Hindi rin pinatay nina Saul ang magagandang baka, tupa at lahat ng matatabang hayop doon; ang pinatay lang nila ay lahat ng hindi na papakinabangan.
10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel,
11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh.
12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal.
13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”
14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”