23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David.
24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot.
25 Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.”
26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?”
27 “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.
28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.”
29 Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?”