45 Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak.
46 Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel.
47 At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.”
48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan.
49 Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa.
50 Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak.
51 Patakbong lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan.