1 Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama.
2 Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar.
3 Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”
4 Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya.
5 Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”
6 Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hindi ko na siya papatayin.”