19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.”
20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta.
21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari.
22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama.
23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot.
24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”