4 Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya.
5 Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”
6 Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hindi ko na siya papatayin.”
7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.
9 Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa.
10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.