7 Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo?
8 Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”
9 Sumagot si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob.
10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”
11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari.
12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.
13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”