1 Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama.Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran.
2 Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing.
3 Nabal ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4 Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa.
5 Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan
6 at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan.
7 Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel.