20 Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila.
21 Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin.
22 Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.”
23 Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David.
24 Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin.
25 Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin.
26 Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal.