4 Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak.
5 Binihag din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.
6 Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob.
7 Sinabi ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar.
8 Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?”“Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh.
9 Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan.
10 Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod.