5 Napasigaw sa tuwa ang mga Israelita nang dalhin sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Halos nayanig ang lupa sa lakas ng kanilang sigawan.
6 Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?”Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh,
7 natakot sila. Sinabi nila, “May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin!
8 Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot.
9 Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!”
10 Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira.
11 Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.