5 Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan.
6 Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel?
7 Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka.
8 Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay.
9 Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”
10 Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito.
11 Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto.