10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita.
11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.
12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.”
13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel.
14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo.
15 Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel.
16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita.