2 Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh.
3 Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.”
4 Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.
5 Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”
6 Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.
7 Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo.
8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.”