21 Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin.
23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.”
24 Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul.Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.”Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel.
25 Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon.
26 Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan.
27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”