3 Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang.
4 Ngunit wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon.
5 Ang nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur.
6 Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.
7 Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”
8 Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya.
9 Panginoong Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa.