2 Mga Cronica 18 RTPV05

Ang Babala ni Propeta Micaias kay Ahab

1 Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab.

2 Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead.

3 Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan.

4 Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.”

5 Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.”

6 Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan.

7 Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.”“Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat.

8 Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias.

9 Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag.

10 Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”

11 Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.”

12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”

13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”

14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”

15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”

16 At sumagot si Micaias,“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”

17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”

18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya.

19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’

20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’

21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.

22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”

23 Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?”

24 “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias.

25 Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod.

26 “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya.

27 “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”

Ang Kamatayan ni Ahab

28 Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda.

29 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan.

30 Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay.

31 Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway.

32 Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol.

33 Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.”

34 Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36