1 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari.
2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito.
3 Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila:
4 “Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.”
5 Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao.
7 Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.”
8 Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya.
9 Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama.
10 Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina.
11 Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.”
12 Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam.
13 Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao.
14 Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.”
15 Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Nang hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel.
17 Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda.
18 Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem.
19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga.