1 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh.
2 Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem.
3 Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia.
4 Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.
5 Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”
6 Pagkarinig niyon, nagpakumbabá ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”
7 Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbabá na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak.
8 Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”
9 Sinalakay ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon.
10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo.
11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay.
12 Sapagkat nagpakumbabá si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.
13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita.
14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.
15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila.
16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari.